17.2 C
Baguio City
Wednesday, June 24, 2026
spot_img

Pamamahagi ng FFP sa mga apektado ng super typhoon Nando, umarangkada na sa Sta. Ana, Cagayan

Personal na inihatid nina Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Director Lucy Alan ang mga Family Food Packs (FFPs) sa mga residenteng matinding naapektuhan ng Super Typhoon Nando sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan noong ika-23 ng Setyembre 2025. Layunin ng pamahalaang panlalawigan at ng DSWD Region 2 na masiguro ang mabilis na pag-abot ng ayuda sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad.

Unang tinungo nina Gob. Aglipay at RD Alan ang Barangay Palawig kung saan naipamahagi ang 121 FFPs at inuming mineral water sa mga inilikas na residente. Matapos dito, nagtungo rin sila sa Barangay Casambalangan upang maabutan ng ayuda ang 169 na pamilyang benepisyaryo na pansamantalang nakatira sa evacuation centers.

Tiniyak ni Gob. Aglipay na mananatiling bukas ang pakikipag-ugnayan ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa DSWD Region 2 upang matiyak ang tuluy-tuloy, mabilis, at sapat na pagbibigay-tulong sa mga sinalanta ng bagyo. Aniya, hindi hihinto ang kanilang ahensya hangga’t hindi natitiyak na lahat ng apektadong pamilya ay nakatatanggap ng kaukulang tulong.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Mayor Nelson Robinion kay Gob. Aglipay dahil sa walang sawang pagbisita at pagbabantay sa kanilang bayan, mula pa noong kasagsagan ng Super Typhoon Nando hanggang sa kasalukuyan. Pinuri rin niya ang DSWD Region 2 sa mabilis na tugon at pagbibigay ng dagdag na suporta sa kanilang mga kababayan.

Samantala, tiniyak din ni RD Alan na hindi titigil ang kanilang hanay sa pagtulong, lalo na sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng bagyo. Nagdala rin ang DSWD Region 2 ng Mobile Command Center (MCC) sa Sta. Ana na nagsisilbing charging station habang nananatiling walang kuryente sa bayan. Batay sa tala ng Sta. Ana MSWDO, aabot sa 916 na pamilya ang kabuuang naapektuhan, kaya’t puspusan pang ipagpapatuloy ng PGC at DSWD ang pamamahagi ng ayuda sa iba pang barangay na may mga evacuees.

Source: Cagayan Provincial Information Office

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles