Dinagsa ng daan-daang naghahanap ng trabaho ang World Café of Opportunities at job fair na ginanap sa Robinsons Place Ilocos nitong Sabado, Setyembre 13, 2025, kung saan 2,891 trabaho ang inialok para sa mga aplikante.
Pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte ang aktibidad, katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, pribadong kompanya, at mga institusyong pang-teknikal at bokasyonal. Isinabay ito sa programang Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat bilang bahagi ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kabuuan, 44 lokal na employer, walong pambansang ahensiya at limang overseas agencies ang lumahok. Bukod sa trabaho, nag-alok din ng pagsasanay, competency assessment at tulong pinansyal para sa mga nagtapos ng TVET o Technical-Vocational Education and Training.
Layunin ng mga organizer na makapagbigay ng agarang trabaho sa hindi bababa sa 15 porsyento ng mga aplikante o katumbas ng 45 mula sa 300 rehistrado. Pagsapit ng alas-tres ng hapon, dalawampu’t apat na aplikante na ang agad na natanggap.
Nagpaalala si Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos na bukas din ang pamahalaang panlalawigan at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa mga nagnanais maglingkod sa serbisyo publiko, kung saan may 174 bakanteng posisyon. Pinuri rin niya ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor na nagbigay-daan sa matagumpay na aktibidad.
Source: PNA




