Pinarangalan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Cagayan ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao ng Certificate of Appreciation at Plaque of Recognition sa isinagawang Data Turnover Ceremony para sa Community-Based Monitoring System (CBMS) sa Senala Resort, Cabbo, Peñablanca nito lamang ika-12 ng Setyembre, 2025.
Pinuri ng PSA ang LGU Tuguegarao, sa ilalim ng administrasyon ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que, dahil sa suporta at kooperasyon ng pamahalaang lokal sa matagumpay na pagpapatupad ng 2024 CBMS National Roll-out sa lungsod.

Ang nasabing parangal ay personal na tinanggap ni City Planning and Development Coordinator Chona Sedano, bilang kinatawan ni Mayor Maila. Sa kanyang mensahe, malugod niyang pinasalamatan ang PSA at tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng LGU sa mga programang makatutulong sa pagbibigay ng de-kalidad na datos para sa mas epektibong pagpaplano.
Ang Community-Based Monitoring System (CBMS) ay nagsisilbing mahalagang instrumento upang masukat ang tunay na kalagayan ng bawat komunidad. Layunin nitong makalikom ng tama at napapanahong datos upang magabayan ang mga desisyon para sa mas maayos na pagpaplano, pagpapaunlad ng lungsod, at pagpapabuti ng kabuhayan at kapakanan ng mga Tuguegaraoeno.
Source: Tuguegarao PIO




