Kasalukuyang inihahanda ng Lokal na Pamahalaan ng Narvacan ang pagtatayo ng malaking LED Wall Outdoor Screen at Narvacan Signage sa harapan o entrada ng Narvacan Farmers Market upang magsilbing pangunahing atraksyon sa lugar.
Dinarayo ang Narvacan Farmers Market ng iba’t ibang lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bayan upang makita at pag-aralan ang disenyo nito bilang kauna-unahang Solar-powered na pampublikong palengke sa Pilipinas kasama na ang Dancing Fountain na matatagpuan sa labas lamang ng nasabing palengke.
Ayon kay Engr. Danny Cabatan, Municipal Engineer ng LGU Narvacan, magsisimula na sa lalong madaling panahon ang pagpapatayo ng nasabing LED Wall Outdoor Screen.
Ang proyektong ito ay idaragdag sa mga bagong atraksyong panturista na matatagpuan sa New Narvacan Government Center, kung saan mayroon na ring Children’s Theme Park, Sunken Sink, at Dancing Fountain.
Bukod dito, naitayo rin ang Heroes Park, na tampok ang mga rebulto ng mga kilalang Narvacaneños, kabilang sina dating Kinatawan, Senador at Kalihim ng Public Works Prospero C. Sanidad, dating Kinatawan Fidel Villanueva, dating Kinatawan Pablo C. Sanidad, at dating Kinatawan at Assemblyman Lucas V. Cauton na isang retiradong heneral.
Ang konsepto ng Narvacan Farmers Market ay binuo noong panahon nina Mayor Luis “Chavit” Singson at Mayor Pablito Sanidad at ang implementasyon naman nito ay maisasakatuparan sa administrasyon nina Mayor Edna Cabalo-Sanidad, DMD at Vice Mayor Margarito Tejada.
Source: Municipal Government of Narvacan, Ilocos Sur




