Tampok ang iba’t ibang masasarap at malikhaing pastries na gawa sa Ava, ang itinuturing na pangunahing produkto ng programang One Town, One Product (OTOP) ng bayan ng Tuba, sa isinagawang pagsasanay ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAG) sa Old PNP Hall, Poblacion, Tuba, Benguet noong Agosto 9, 2025.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga magsasaka, kababaihan, at maliliit na negosyante mula sa iba’t ibang barangay ng Tuba upang matutunan ang mga makabagong kaalaman sa pagpoproseso at pagbibenta ng Ava-based products.
Ipinakita sa aktibidad ang iba’t ibang paraan ng paggawa ng tinapay, cake, at cookies gamit ang Ava bilang pangunahing sangkap, na hindi lamang nakapagbibigay ng kakaibang lasa kundi nagbibigay rin ng dagdag na kita sa mga gumagawa.
Ayon sa OMAG, bahagi ito ng kanilang programang sumusuporta sa mga lokal na produkto upang mapaunlad ang kabuhayan at maitaguyod ang turismo sa bayan.
Layunin din nitong hikayatin ang mga mamamayan na magnegosyo gamit ang mga likas na yaman at produktong sagana sa kanilang lugar.
Ang aktibidad na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagtangkilik at pagpapalago sa mga lokal na produkto, gaya ng Ava, bilang susi sa pagpapalakas ng kabuhayan, turismo, at pagkakakilanlan ng bayan ng Tuba.







