Masagana at maipagmamalaki—ganito ituring ang selebrasyon ng 4th Malaga and Guraman Festival 2025 sa Bayan ng Buguey noong ika- 26 ng Hulyo 2025.

Itinampok sa pagdiriwang ang mahigit dalawang toneladang isdang malaga na sabay-sabay na inihaw at pinagsalu-saluhan ng mga residente at bisitang nakisaya sa selebrasyon.
Ayon kay Buguey Mayor Licerio Millare Antiporda III, ang dalawang toneladang inihandang malaga ay bahagi ng 44,000 kilos na harvest ng malaga growers ngayong taon.

Ipinaliwanag din ni Mayor Antiporda na ang pagkakaroon ng maraming festival sa bayan ng Buguey ay hindi lamang para sa kasiyahan, nguni’t isa rin aniya itong paraan ng pamumuhunan ng Lokal ng Pamahalaan ng Buguey na makatutulong upang maiangat ang ekonomiya at pamumuhay ng mga residente.
Dagdag pa ni Mayor Antiporda, ang selebrasyon ng Malaga at Guraman Festival ay tanda rin ng pasasalamat sa kanilang patron na sina St. Anne at St. Joachim dahil sa patuloy na pagkakaloob ng masaganang biyaya.
Kaugnay rito, muling nanawagan si Mayor Antiporda sa mga national government agency na bigyang-pansin at suportahan ang mga programang isinusulong ng lokal na pamahalaan na nakatuon sa pagpapalakas ng aquatic resources. Hindi lamang ito para sa kanilang nasasakupan, nguni’t makatutulong din ito sa mga karatig bayan at probinsiya, lalo na sa panahon ng kalamidad kung saan walang mapagkukunan ang mga residente, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda ng kanilang pangangailangan.
Kasabay ng selebrasyon ay ginanap din ang Malaga at Guraman Dance Competition kung saan nagpasiklaban ang estudyante ng kanilang angking galing sa pagsayaw.
Samantala, nakiisa naman sa selebrasyon ng 4th Malaga and Guraman Festival sina Atty. Mabel Villarica-Mamba, Cagayan Tourism Officer Jennifer Junio-Baquiran, Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) Head Atty. Leonard Beltran, Police Regional Office (PRO2) Regional Director PBGen Antonio P. Marallag Jr., 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade Commander Brigadier General Rhoderick Parallag, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Director Angel B. Encarnacion, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang sangay ng gobyerno sa probinsiya.
Source: Cagayan Provincial Information Office




