Bilang bahagi ng patuloy na suporta sa mga lokal na manggagawa, 25 upgraded na alagang kambing ang ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa mga kasapi ng Alaminos City Butchers Association (ACBA) bilang karagdagang pagkakakitaan noong Hulyo 4, 2025.
Pinangunahan ang dispersal program ni City Mayor Arth Bryan C. Celeste sa pamamagitan ng City Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Ronaldo Abarra. Ginanap ang pamamahagi sa compound ng City Slaughterhouse kung saan personal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang kani-kanilang mga alagang kambing.
Ayon kay Dr. Abarra, mahalaga ang tamang kaalaman sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga naturang upgraded doe, lalo na’t mataas ang kalidad ng mga ito at inaasahang makatutulong sa pagpapalago ng kabuhayan ng mga miyembro ng asosasyon.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng Gender and Development (GAD) Funded Projects ng lungsod, na layuning suportahan ang mga sektor na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF), at palitan ang nawalang kita sa pamamagitan ng alternatibong kabuhayan.
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si ACBA President Marcelo Camba sa lokal na pamahalaan, partikular kina Mayor Celeste at Dr. Abarra, dahil sa kanilang inisyatiba. Aniya, malaking tulong ito sa kanilang hanapbuhay at inaasahan din nitong tataas ang suplay ng kambing sa lungsod.
Ang programang ito ay patunay ng malasakit ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng bawat mamamayan at patuloy na hakbang upang paunlarin ang sektor ng agrikultura sa lungsod.
Source: LGU-Alaminos City, Pangasinan




