Pormal na nagtapos ang 100 magsasaka, sa ilalim ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) Farmers’ Training Program, sa isang seremonya na ginanap sa Barangay Gallano, Aringay, La Union noong Hulyo 3, 2025.
Ang programa ay bunga ng pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1, SM Foundation Inc., Department of Agriculture (DA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), St. Isidore Farmer Learning Center, at ng pamahalaang bayan ng Aringay.
Sa loob ng ilang linggo, sumailalim ang mga kalahok sa masusing pagsasanay sa sustainable agriculture, kabilang ang mga modernong teknolohiya sa pagsasaka, financial literacy, at community-building skills. Kabilang sa mga nagtapos ang mga kababaihan at miyembro ng Indigenous Peoples (IP) na layuning mapalakas ang kanilang kaalaman at kabuhayan sa larangan ng agrikultura.

Layon ng programang ito na hindi lamang maghatid ng teknikal na kasanayan, kundi pati na rin ang pagpapalalim ng mga pagpapahalaga tungo sa makakalikasang pagsasaka at kooperasyon sa komunidad.
Ang pagtatapos na ito ay simbolo ng panibagong simula para sa mga magsasaka ng Aringay, na ngayon ay mas handang harapin ang hamon ng makabagong agrikultura tungo sa mas produktibo at masaganang pamumuhay.




