Nagsagawa ang Bayambang LGU sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office ng isang aktibidad na pinangalanang “Wellness Day” para sa mga PWD President at Council members ng iba’t ibang barangay nito lamang Huwebes, Agosto 21, 2025 sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.
Ito ang nagsilbing culminating activity ng Disability Rights Week, kung saan nabigyan ng natatanging araw ang mga PWD, kung saan sila ay nakatanggap ng mga libreng serbisyo kabilang ang haircut, massage, at manicure at pedicure.

Bukod sa mga libreng serbisyo, isinagawa rin ang ilang lecture at orientation na nakatuon sa kalusugan at karapatan ng mga PWDs. Layunin nitong mapalakas ang kanilang kamalayan hinggil sa mga benepisyong maaari nilang makuha mula sa pamahalaan, gayundin ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga programang makakatulong sa kanilang kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang ilang opisyal mula sa Bayambang LGU at partner agencies na nagpahayag ng kanilang suporta at pangakong patuloy na palalakasin ang mga inisyatiba para sa sektor ng PWD. Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagkakaisa, partisipasyon, at pagtutulungan upang higit na mapaigting ang kanilang adbokasiya.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng mga lumahok na PWD President at Council members sa LGU Bayambang, dahil bukod sa pagbibigay ng pagkakataong makapagpahinga at maalagaan ang sarili, nakatanggap din sila ng suporta at pagkilala na higit na nagpapatibay ng kanilang tiwala at kumpiyansa bilang bahagi ng lipunan.
Sa pagtatapos ng programa, nagpaalala ang PDAO na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan at kapakanan ng mga PWD, kasabay ng panawagan sa publiko na itaguyod ang malasakit at pagkakapantay-pantay upang tunay na maisakatuparan ang inklusibong pamayanan.
Source: Bayambang LGU




