Sa layuning maisulong ang inklusibong kaunlaran at mapalakas ang kakayahang pangkabuhayan ng mga Persons with Disabilities (PWDs), isinagawa ang Reach Independence and Sustainable Entrepreneurship (R.I.S.E.) Programme sa FMA Hall, Olongapo City Hall nito lamang Lunes, ika-9 ng Hunyo 2025.
Ang aktibidad ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng Olongapo City Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Olongapo, sa pangunguna ni Mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr.
Ang R.I.S.E. Programme ay isa sa mga pangunahing inisyatiba ng Maybank Foundation at ipinatutupad ng People Systems Consultancy na naglalayong isulong ang financial inclusion at financial literacy para sa mga PWDs at iba pang kabilang sa marginalized sectors ng lipunan.
Umabot sa 53 PWD participants mula sa iba’t ibang barangay ng Olongapo ang masiglang lumahok sa mga workshop at training na bahagi ng programa.
Tinalakay dito ang mga pangunahing kaalaman sa pagnenegosyo, tamang pamamahala ng pananalapi, at mga oportunidad upang magsimula ng sariling pagkakakitaan.
Sa pamamagitan ng patuloy na suporta mula sa lokal na pamahalaan at mga katuwang na organisasyon, inaasahang higit pang mga PWDs ang matutulungan sa mga darating na buwan upang makamit ang kanilang pinansyal na kalayaan at kasarinlan.






