Patuloy ang mabilis at malasakit na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa mga kabalen na naapektuhan ng naganap na sunog sa Barangay San Bartolome, Sto. Tomas na naganap noong Enero 7, 2026. Kaagad na kumilos ang pamahalaang panlalawigan upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga residenteng nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa insidente.
Sa ngalan nina Governor Lilia “Nanay” Pineda at Vice Governor Dennis “Delta” Pineda, personal na pinangunahan nina 4th District Board Member Dra. Kaye Naguit at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Head Fe Manarang ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong pamilya. Kabilang sa ipinagkaloob ang isang kaban ng bigas, inuming tubig, at iba’t ibang non-food items bilang pansamantalang suporta sa mahigit 20 pamilyang naapektuhan ng sunog.

Isinagawa ang relief operations sa tulong ng mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at General Services Office (GSO), na tumulong sa maayos at mabilis na distribusyon ng tulong. Bukod dito, nag-deploy din ang PDRRMO ng water purifier upang matiyak ang malinis at ligtas na suplay ng inuming tubig para sa mga residenteng naapektuhan.




