Patuloy ang maagap na pagbibigay-serbisyo ng ng DSWD Field Office 02 sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang Bagyong Uwan sa lalawigan ng Quirino.
Isinagawa ng ahensya ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa anim na bayan sa probinsya bilang bahagi ng agarang pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad.
Bawat pamilyang idineklarang totally damaged ang kanilang bahay ay tumanggap ng ₱10,125, habang ₱5,250 naman ang ipinagkaloob sa mga pamilyang may partially damaged na tahanan.
Sa loob ng mahigit isang linggong payout, umabot sa 419 pamilya na may lubos na nasirang bahay at 6,520 pamilya na may bahagyang nasirang tahanan ang nabigyan ng tulong pinansyal.
Sa kabuuan, mahigit ₱38.4 milyong halaga ng cash assistance ang naipamahagi ng DSWD FO2 sa 6,939 pamilyang benepisyaryo sa ilalim ng ECT.
Ito ay alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at DSWD Sec. Rex Gatchalian na tiyaking mabilis at maayos na naihahatid ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad.




