Masayang sinalubong ng mga Centers and Residential Care Facilities ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mga payak na salu-salo at programa na naghatid ng saya at pag-asa sa mga residente. Kasama ang mga Angels in Red Vests, sabay-sabay na ipinagdiwang ang okasyon sa mga CRCF sa Solana at Enrile, Cagayan noong ika-1 ng Enero 2026.

Pinangunahan ni DSWD FO2 Regional Director Lucy Suyu-Alan ang pagbisita sa mga pasilidad kung saan personal niyang nakasama at nakausap ang mga kabataan. Ipinahayag ni RD Alan ang patuloy na malasakit ng ahensya sa kapakanan ng mga residente at hinikayat silang manatiling positibo at magsikap para sa mas maayos na kinabukasan. Ayon sa kanya, ang bawat bata at kabataang nasa pangangalaga ng DSWD ay may kakayahang magbago at muling magsimula.
Para sa mga kabataang pansamantalang malayo sa kanilang mga pamilya, nagsilbing ikalawang tahanan ang DSWD. Ayon kay “GN,” isang Child in Conflict with the Law (CICL), malaking bagay ang presensya ng mga kawani ng DSWD upang masiguro na hindi malungkot ang kanilang pagsalubong sa bagong taon at naging tampok sa Cagayan Valley Regional Rehabilitation Center for the Youth ang mga parlor games at pamamahagi ng regalo. Nabigyan din ng pagkakataon ang ilang residente na makasama at makipag-salo-salo sa kanilang mga kapamilyang dumayo pa mula sa malalayong lugar.

Samantala, ipinamalas naman ng mga bata sa Research and Study Center for Children (RSCC) ang kanilang mga talento sa pamamagitan ng munting pagtatanghal at sa Regional Haven for Women and Girls (RHWG), naging mas makahulugan ang selebrasyon sa pamamagitan ng mga palaro at paggawa ng vision board, kung saan isinulat at idinikit ng mga kababaihan ang kanilang mga pangarap para sa bagong taon.
Ang pagdiriwang na ito ay alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at sumasalamin sa patuloy na pangako ng ahensya na maghatid ng makatao at may pusong serbisyo. Sa pagsisimula ng bagong taon, nananatiling layunin ng DSWD na maging sandigan at gabay ng mga residente sa kanilang pagbangon at panibagong simula.
Source: DSWD R2




