Matagumpay na isinagawa ang Community-Based Training Program sa Bread and Pastry Production para sa mga kababaihan ng Barangay Villa Aglipay, San Jose, Tarlac nito lamang Martes ika-14 ng Oktubre 2025.
Ang pagsasanay ay bahagi ng mga inisyatibong ipinatutupad sa ilalim ng pamumuno ni Governor Christian Tell Yap, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng San Jose, Municipal Public Employment Service Office (PESO), at PGT-TCLASS.


Layunin ng programa na magbigay ng karagdagang kaalaman at kasanayan sa paggawa ng tinapay at pastry, bilang hakbang tungo sa pagkakaroon ng dagdag na kabuhayan sa mga kababaihan ng komunidad.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan lalo na ang mga kababaihan na magkaroon ng mga praktikal na kasanayan na maaaring magamit sa pagsisimula ng sariling negosyo o sa pagpasok sa hanapbuhay na may kaugnayan sa paggawa ng tinapay at mga kakanin.




