Isang bagong LGU-operated Civil Registry System (CRS) Outlet ang pormal na binuksan ng lokal na pamahalaan ng Candon City sa Ilocos Sur nito lamang Martes, Setyembre 2, 2025 bilang bahagi ng kanilang programa para mas mapabilis at mapalapit ang serbisyo publiko sa mga residente.
Sa pamamagitan ng bagong tanggapan, hindi na kailangang bumiyahe ng malayo ang mga mamamayan para makakuha ng mahahalagang dokumento tulad ng birth certificate, marriage certificate, death certificate, at certificate of no marriage (CENOMAR). Layon din ng proyektong ito na mabawasan ang mahabang pila at oras ng paghihintay, kasabay ng paggamit ng digital system para sa mas mabilis na transaksyon.

Ayon sa pamunuan ng lungsod, malaking hakbang ito tungo sa mas “efficient” at “accessible” na serbisyo ng pamahalaan. Bahagi rin ito ng inisyatiba ng Philippine Statistics Authority (PSA) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng mas malawak na saklaw ang kanilang serbisyo.
Pinuri naman ng mga residente ang pagbubukas ng outlet dahil malaking ginhawa raw ito lalo na sa mga pamilyang nangangailangan ng agarang dokumento para sa trabaho, paaralan, o personal na transaksyon.
Ang pagbubukas ng CRS Outlet sa Candon City ay isa lamang sa mga proyektong inilulunsad ng mga LGU sa Rehiyon 1 ngayong Setyembre 2025 upang lalo pang mapalakas ang hatid na serbisyo sa mamamayan.
Source: PSA Ilocos Sur




