Sumasailalim sa limang araw na Water, Search and Rescue (WASAR)-Training ang 13 bagong kawani ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) sa Sub-Capitol Bangang, Lal-lo, Cagayan.
Ayon kay Ruben Telan, isa sa mga trainer, ito na ang pangatlong batch ng mga bagong empleyado ng nasabing tanggapan na kanilang sinasanay na sinimulan noong Mayo 20, 2024 at matatapos sa araw ng Biyernes.
Aniya, nasa kabuuang 43 bagong empleyado ng TFLC-QRT kasama na ang mga 13 kawani, ang sumailalim sa WASAR training na sinimulan nitong nakaraang buwan.
Nakatakda namang gagawin ang mga actual water activity tulad ng basic swimming and water safety, boat handling at maneuvering sa Ilog Cagayan na sakop ng nasabing bayan sa susunod na araw.
Sinabi ni Telan na layon ng pagsasanay na magkaroon ng karagdagang kaalaman at maging handa ang mga bagong rescuer sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Source: Cagayan Provincial Information Office