Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin sa Bypass Road sa Brgy. Ugad, Cabagan, Isabela noong Hulyo 7, 2022.
Kinilala ang biktima na si Police Corporal Marnix Baquiran y Banan, 34, may live-in partner, kasalukuyang nakatalaga sa Reina Mercedes Police Station at residente ng Brgy. Camasi, Peñablanca, Cagayan.
Bandang 8:30 ng umaga ng makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may insidente ng pamamaril sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Cabagan Police Station sa lugar ng insidente kung saan napag-alaman na wala ng buhay ang pulis sa loob ng kanyang sasakyan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng biktima sakay ng kanyang sasakyan (Toyota Fortuner) ang direksyon patungong Brgy. Ngarag, Cabagan, Isabela at habang nagmamaneho ay isang sasakyang color gray SUV ang sumulpot at pinagbabaril ang nasabing biktima na nagtamo ng maraming tama sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Patuloy pa rin ang operasyon at imbestigasyon ng mga kapulisan sa pagtugis sa salarin at sa motibo ng pagpatay.
Samantala, pinag-utos naman ni PBGen Steve B Ludan, Regional Director ng PRO2 ang agarang pagtugis sa salarin at agad na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa motibo sa pagpatay.