Nakiisa ang Cagayan Police Provincial Office, kasama ang Regional Community Affairs and Development Division at Enrile Police Station, sa pagdiriwang ng 33rd National Children’s Month na may temang “Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban” sa isinagawang aktibidad sa Magalalag National High School, Magalalag West, Enrile, Cagayan noong Nobyembre 24, 2025.
Sa programa, tinalakay ni PMaj Harold P. Ocfemia, Chief of Police ng Enrile Police Station, ang kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan lalo na sa harap ng mga modernong banta sa kanilang kapaligiran at online platforms.

Bilang bahagi ng adbokasiya laban sa pang-aabuso at karahasan sa bata, nagbahagi si PMaj Babyrose P. Cajulao, Chief, CAS/FJGAD, RCADD, hinggil sa isyu ng bullying, kung paano ito nakaaapekto sa kabataan, at ang mga hakbang upang maiwasan ang paglaganap nito sa loob ng paaralan.
Nagbigay rin ng lektura si PMaj Hazel C. Taborada, Provincial Legal Officer, ukol sa Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act. Binigyang-linaw niya ang mga probisyon ng batas, ang mga parusa, at kung paano maipagtatanggol ang mga kabataan laban sa online exploitation.

Samantala, tinalakay naman ni PCpt Shiela Joy N. Fronda, Chief, PIO, ang laban kontra Fake News, at kung paano maging responsable at mapanuring digital users ang mga kabataan, lalo na sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon sa social media. At nagsagawa naman si Bro. Roger Iquin, SPAG President, Enrile Chapter, ng PROJECT DAWAH (Dialogue and Awareness with Acceptance and Harmony) upang itaguyod ang wastong paggabay, tamang asal, at moral at espiritwal na pundasyon ng mga kabataan.
Matagumpay na natapos ang makabuluhang programa na pinangunahan ng PNP na nang-iiwan ng sapat na kaalaman sa mga kabataan laban sa anumang uri ng pang-aabuso at maling impormasyon, at nagpapaalala na huwag mag-atubiling idulog sa kanila ang anumang hinaing para mabigyan ng agarang tugon.
Source: Cagayan PPO




