Tunay ngang ang sigaw ng mga raliyista sa isinagawang “3-Day Rally for Transparency and a Better Democracy” ay para sa isang gobyernong tapat at may pananagutan. Sa kabila ba naman ng mga nangyayari sa bansa natin, wala ninuman ang ayaw ng pagbabago at pag-unlad. Kung mula pagkabata hanggang pagtanda ay hindi pa rin tanaw ang mga pangako ng mga nagdaang administrasyon, ayaw na ng karamihan na pati hinaharap ay manakaw din.
Subalit bago pa man isigaw ang mga hinanaing, hindi rin maikukubli ng mga relihiyosong mga nag-organisa sa rally ang hindi pagbibigay ng respeto sa araw ng Linggo para sa ibang kapwa mananampalataya. Ang 3-Day rally ay nagsimula sa araw ng pagsamba sa Panginoon para sa karamihan ng mananampalataya maliban sa kanila. Tama man ang kanilang layunin, dapat pa rin nilang isinaalang-alang ang mahalagang kahulugan ng araw ng pagsamba sa halip na kilos-protesta.
Sa kabila nito, ang ipinaglalaban ng karamihan ng Pilipino ay isang bansang nagkakaisa at may malasakit sa isa’t isa. Ayaw na nating madagdagan pa ang mga pamilyang naghihinagpis at mga henerasyong nawawalan ng pag-asa dahil sa kawalan ng paninidigan ng ilang mga nasa pwesto. Dahil sa pansariling kapakanan, hindi na naisasakatuparan ang mga proyektong dapat ay nagbibigay-liwanag sa mga lugmok na sa kahirapan.
Gayunpaman, inaasahang maging sensitibo rin tayo sa mga paniniwala ng karamihan. Upang mas maging karespe-respeto ang ipinaglalaban at makakuha ng mas malakas na suporta mula sa taumbayan, isaalang-alang din natin ang araw ng Panginoon. Huwag tayong padalos-dalos at isinasawalang-bahala ang mga maliliit na bagay [iskedyul ng demonstrasyon] para lalo pang pagpalain ang ating mga magagandang ipinaglalaban.




