Nasubok ang kahandaan ng Lungsod ng Baguio matapos maramdaman ang intensity 5 na pagyanig ng lindol bandang 10:30 ng umaga nito lamang Huwebess, Oktubre 9, 2025.
Tiniyak ng Baguio City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa pamumuno ni Mayor Benjamin Magalong, ang mabilis na pagtugon para sa kaligtasan ng publiko at maingat na pagsunod sa mga protocol sa lindol batay sa contingency plan ng lungsod para sa lindol.
Ang mga response unit mula sa Baguio City Police Office, Bureau of Fire Protection – Baguio Fire Station, Public Order Safety Division, Red Cross Baguio, mga barangay DRRM unit at mga boluntaryo ay ipinadala upang tumulong sa mga paaralan at pribadong establisyemento sa ligtas na paglilikas ng mga estudyante at manggagawa.
Samantala, ayon sa ulat ng Philippine Information Agency Baguio, pinakamahusay ang tugon ng Crystal Cave Integrated School kung saan ipinakita ng mga estudyante at guro ang kanilang kahandaan at kaalaman sa mga protokol sa pagtugon sa lindol bago at pagkatapos ng pagyanig.



Walang naiulat na malubhang insidente sa CDRRMO hanggang 4:00 ng hapon maliban sa 46 na indibidwal na isinugod sa Baguio General Hospital dahil nakaranas ng panic attacks.
Ang pansamantalang emergency room na itinayo sa hardin ng ospital ay nakatulong sa 46 na pasyente, karamihan ay dahil sa panic at anxiety attack noong at pagkatapos ng lindol.
Napatunayan ng pamahalaang lungsod ang pinalakas na kakayahan ng mga tagapamahala ng pampubliko at pribadong gusali pati na rin ang mga DRRM focal persons sa mga pangunahing safety protocols bilang pamamaraan sa pagpapalakas ng kahandaan ng komunidad sa panahon ng sakuna.






