Isang makabuluhang araw ang idinaos sa Cagayan Provincial Jail (CPJ) noong ika-3 ng Setyembre 2025 nang nagtapos ang 88 Persons Deprived of Liberty (PDL) sa iba’t ibang antas ng pag-aaral at pagsasanay. Patunay ito na kahit sa loob ng kulungan, may pagkakataon pa ring makapagtamo ng bagong kaalaman at kasanayan na magsisilbing puhunan para sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.
Sa tala ng pamunuan ng CPJ, dalawa sa mga nagtapos ay nakumpleto ang kanilang elementarya, samantalang 13 PDL naman ang nagtapos ng Junior at Senior High School sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS). Bukod dito, 73 PDL ang matagumpay na nakumpleto ang pagsasanay ng TESDA sa iba’t ibang kurso: Masonry (26), Electrical Maintenance (25), at Cookery (23).
Ayon kay Program Coordinator Merlyn Paul Dillig, kabilang sa nagtapos ng elementarya ang dalawang nakatatanda, isang inspirasyon para sa iba pang PDL na hindi pa nakakapagtapos. Karamihan sa mga naging guro ay mga prison guard na boluntaryong naglaan ng kanilang oras, katuwang ang DepEd Tuguegarao Division. Nagbigay rin ng pondo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang maisagawa ang Electrical Maintenance training.
Binigyang-diin naman ni Provincial Warden Catalino Arugay na bahagi ito ng programa ng kulungan upang bigyan ng pag-asa at bagong kasanayan ang mga PDL. Layunin nitong tulungan silang maging handa sa muling pagsabak sa lipunan at magkaroon ng pagkakataong magbagong-buhay. Dumalo rin sa seremonya sina Francisco “Franco” Mamba III (kinatawan ni Bise Gobernador Manuel Mamba), Elisa Umoso (kinatawan ni Gobernador Manuel “Manong Egay” Aglipay), at May Angielyn Orro mula sa TESDA.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Franco Mamba III na patuloy ang pagsisikap ng Bise Gobernador upang mapabilis ang hustisya sa Cagayan at mapahusay ang mga serbisyo sa loob ng kulungan. Kasabay nito, inanunsyo na mayroon nang 30 PDL na naka-enroll para sa susunod na batch ng TESDA training at 25 PDL naman ang kasalukuyang nag-aaral sa Junior at Senior High School.
Maliwanag na ipinapakita ng mga programang ito na sa kabila ng kanilang sitwasyon, ang mga PDL ay may kakayahang magsimula muli. Patunay itong mayroong pag-asa at tunay na pagbabago sa loob ng kulungan.
Source: CPIO




