24.7 C
Baguio City
Sunday, May 17, 2026
spot_img

LTO, namahagi ng plaka ng motorsiklo at traysikel sa Narvacan, Ilocos Sur

Personal na namahagi ng mga plaka para sa motorsiklo at traysikel ang Land Transportation Office (LTO), Candon City sa mga residente ng Narvacan, Ilocos Sur noong Setyembre 2, 2025.

Naisakatuparan ang aktibidad sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Narvacan sa pamumuno ni Mayor Edna Cabalo-Sanidad, DMD, na ginanap sa Covered Court ng munisipyo.

Ayon sa LTO, kabilang sa ipinamigay na plaka ang para sa mga sasakyang nabili noong taong 2017 pababa. Para naman sa mga motorsiklong nabili mula 2018 pataas, maaari nang makuha ang plaka mula mismo sa Dealer o pinagbilhan.

Kasama rin sa serbisyong ito ang pagbibigay ng bagong plaka na papalit sa mga luma. Dahil dito, labis ang pasasalamat ng mga taga-Narvacan dahil hindi na nila kailangang bumiyahe papuntang LTO Candon para lamang makuha ang plaka ng kanilang sasakyan.

Matatandaang huling namahagi ng plaka ang LTO noong 2017. Simula noon, naipon ang mga aplikasyon at bayad para sa bagong plaka, ngunit ayon sa ahensya, normal na muli ang produksyon kaya unti-unti nang naipamimigay ang mga ito. Ito na ang ikatlong pagbisita ng LTO sa Narvacan. Una nilang isinagawa ang pagtanggap at pagsusuri ng mga aplikasyon para sa lisensya, sinundan ng pamamahagi ng plaka sa mga residente ng Narvacan, Santa, Nagbukel at San Esteban.

Kabilang sa mga opisyal ng LTO Candon na nanguna sa distribusyon sina Ruth Claudette Verzosa, Janette Belle Murillo, Rex Calima, at Maricel Pang-ot, sa ilalim ng pamumuno ni Arnolito A. Vicente, Hepe ng LTO Candon.

Ang aktibidad na ito ng Land Transportation Office na ilapit ang serbisyo sa mismong bayan ay patunay na inuuna ng gobyerno ang pangangailangan ng mamamayan.

Panulat ni: Malayang Kaisipan

Source: Local Government of Narvacan, Ilocos Sur

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,700FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles