Dalawang bagong aklat hinggil sa makulay na kasaysayan ng Cagayan ang pormal na inilunsad ng Cagayan Museum and Historical Research Center noong ika- 22 ng Agosto 2025. Tampok dito ang “Fuerza Cagayana: Interpreting and Visualizing the 18th Century Fortifications in Cagayan under the Spanish Crown” ni Arch. Michael Tabao at “Cagayan in Ming China’s Nautical World” ni Niño Kevin Baclig, Curator ng Cagayan Museum.
Binibigyang-diin ng akda ni Tabao ang pagtatayo ng mga kuta noong panahon ng Espanya bilang depensa laban sa tinaguriang “warlike Cagayanos” na patuloy na ipinagtanggol ang kanilang lupain mula sa pananakop. Samantala, inilalahad ni Baclig ang aktibong pakikipagkalakalan ng Cagayan sa Tsina noong Ming Dynasty, patunay ng mayamang ugnayan ng lalawigan bago pa man dumating ang mga Kastila.

Pinangunahan nina Baclig at Tabao ang paglulunsad kasama si Fr. Jake Ordillos, mga kasapi ng Cagayan Heritage Conservation Society, mga estudyante ng Cagayan State University at Cagayan National High School, at iba pang panauhin. Nagpasalamat si Baclig sa lahat ng nakiisa at umaasang magsilbing inspirasyon ang kanilang akda upang higit pang mapalago ang pananaliksik sa kasaysayan ng Cagayan.
Kasunod ng paglulunsad, isinagawa ang isang lecture-forum kung saan nagkaroon ng masiglang talakayan at interaksyon sa pagitan ng mga awtor at kalahok. Ito’y nagbigay ng dagdag-kaalaman at mas malalim na pagpapahalaga sa yamang kultural ng lalawigan.
Bahagi ang double book launch ng pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Katutubong Wika ng Cagayan Museum. Kasama rin sa mga aktibidad ang “Ngarab” exhibit na binuksan noong Agosto 15 at ang nalalapit na pagpupugay kay dating Gobernadora Teresa Dupaya, founder ng museo, sa kanyang ika-103 kaarawan sa pagtatapos ng buwan.
Source: Cagayan Provincial Information Office




