Nagwagi ang kalesa ni Tirso Paddayuman mula Brgy. Capatan sa Kalesa Spectacle ngayong taon at nag-uwi siya ng premyong Php15,000 na ginanap sa SM City Tuguegarao Transport Bay ngayong araw, ika-14 ng Agosto taong kasalukuyan.
Dumalo sa makulay na selebrasyon sina Vice Mayor Rosauro Resuello, City Councilors Tirso Mangada, Myrna Te, Anthony Tuddao, at Apolonio Apostol, kasama ang mga opisyal ng SM City Tuguegarao sa pangunguna ni Mall Manager Rommel Uy na sumuporta sa patimpalak.

Nangibabaw ang disenyo ng kalesa ni Paddayuman sa 26 mga kalahok mula sa iba’t ibang barangay. Ayon sa panuntunan, tanging indigenous na materyales ang pinapayagan, kaya’t pinalamutian ang mga kalesa ng gulay, dahon, tangkay ng mais, mani, at iba pang lokal na produkto, samahan pa ng makukulay na pintura na nagpapakita ng turismo, kultura, at kagandahang asal.
Samantala, nakamit ni Mariano Langcay, kapwa taga-Brgy. Capatan, ang ikalawang pwesto na may premyong Php10,000; ikatlo si Benito Bangayan ng Brgy. Caritan Centro na tumanggap ng Php7,000; at ikaapat si Reynaldo Balisi ng Brgy. Linao West na nag-uwi ng Php5,000. Tig-Php2,000 naman ang consolation prize para sa ibang kalahok.
Bilang karagdagang pagkilala, nagbigay rin ng gift certificates sa lahat ng kutserong lumahok ang SM City Tuguegarao Manager bilang pasasalamat sa kanilang ambag sa pagpapanatili ng tradisyong kalesa sa lungsod.
Source: Radyo Pilipinas Tuguegarao




