Nag-abot ng donasyon ang Pangasinan State University (PSU), sa pangunguna ni University President Dr. Elbert M. Galas, sa Pamahalaang Lungsod ng Alaminos noong Agosto 12, 2025, bilang bahagi ng Communiversidad Volunteer and Outreach Program ng unibersidad. Layunin ng programa na magbigay ng tulong at suporta sa mga komunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at serbisyong panlipunan.
Tinanggap ni Mayor Arth Bryan C. Celeste ang donasyon na nagmula sa iba’t ibang kampus ng PSU, kasunod ng maikling dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng unibersidad at kinatawan ng lokal na pamahalaan. Ang Brgy. San Roque, adopted barangay ng PSU-Alaminos Campus, ay kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo.


Dumalo rin sa aktibidad ang mga opisyal ng PSU na sina Dr. Razeale G. Resultay, Dr. Lorena B. Echalar, Gng. Venus May H. Sarmiento, Bb. Shiela Marie G. Malicdem, at Dr. Jocelyn S. De Vera, kasama sina Dr. Emielou Gellado at Gng. Elizabeth A. Radoc mula sa lokal na pamahalaan.
Kasama si Punong Barangay Elizaldy S. Dona, bumisita ang grupo sa isa sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng Bagyong Emong. Sa ilalim ng Adopt-a-Family Program, nangako ang PSU na tutulungan sa pagpapaayos at pagsasaayos ng kanilang tahanan upang sila ay makabangon mula sa pinsala ng kalamidad.
Source: Pangasinan State University, Alaminos Campus




