Patuloy na pinatitibay ng PhilHealth ang hangarin nitong makapaghatid ng dekalidad at abot-kayang serbisyong medikal sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng programang PhilHealth YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program. Isinagawa ang aktibidad noong Agosto 12, 2025 sa Bacnotan Central School, katuwang ang Municipal Health Office (MHO) at ang Department of Health – Center for Health Development 1 (DOH-CHD 1) na naka-assign sa bayan ng Bacnotan.
Ang PhilHealth YAKAP ay ang bagong pangalan ng dating Konsulta Program. Layunin nitong tiyakin na ang bawat Pilipino—lalo na ang mga kabilang sa mahihirap at marginalized sectors—ay may libreng access sa pangunahing serbisyong medikal at proteksyon laban sa gastusin dulot ng pagkakasakit.

Sa ilalim ng programang YAKAP, maaaring makatanggap ang mga miyembro at kanilang dependents ng mga sumusunod:
• Libreng konsultasyon mula sa accredited healthcare providers
• Laboratory tests at diagnostic services tulad ng blood test, urinalysis, at X-ray
• Pangunahing gamot para sa karaniwang sakit; at
• Preventive care gaya ng counseling, health screening, at risk assessment.
Ayon sa mga opisyal ng MHO na sina Dr. Andy Mendoza at Dr. Jake Gonzales, mahalaga ang ganitong uri ng kolaborasyon sa pagitan ng PhilHealth, DOH, at lokal na pamahalaan upang matiyak na ang bawat Bacnotanean ay may akses sa maayos at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Nagpahayag naman ng buong suporta si Vice Mayor Francis L. Fontanilla, bilang kinatawan ni Mayor Divine C. Fontanilla, sa patuloy na implementasyon ng mga programang makatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan ng Bacnotan.
Sa rebranding mula Konsulta Program patungong YAKAP, layon ng PhilHealth na gawing mas malinaw, mas personal, at mas madaling maunawaan ang mensahe ng programa—ang yakapin ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng serbisyong medikal na dekalidad at abot-kaya.
Source: Bacnotan, La Union




