Kasalukuyang ipinapatayo ang Philippine-American-Japanese War Memorial sa Junction Quinarayan, Narvacan, Ilocos Sur na isang monumento na nagbibigay-pugay sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na lumaban sa mga Hapones na sumakop sa bansa noong 1941 hanggang 1945.
Mismong sa Nagsangalan, ang orihinal na pangalan ng Junction na kung saan nagtatagpo ang mga daang papunta sa Maynila, Siyudad ng Vigan at sa Lalawigan ng Abra, naganap ang madugong labanan noong umatras ang mga Hapones habang sinusundan sila ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. Sa mismong lugar na ito itinatayo ang War Memorial.
Ang proyektong ito ay isinulong ni Narvacan Mayor Pablito V. Sanidad Sr. bilang pagkilala at pag-alala sa kabayanihan ng mga Pilipino sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon kay Mayor Sanidad, ang War Memorial ay sumisimbolo rin ng pagkakaisa ng mga sundalong Pilipino, Amerikano, at Hapones—dahil matapos ang digmaan, naging magkakaalyado at magkakaibigan ang tatlong bansa na dati’y magkakalaban.
Dagdag pa ni Mayor Sanidad, ang establisyamento ay paalala sa kahalagahan ng kapayapaan sa kabila ng sakit at hirap na idinulot ng digmaan. Sa kasalukuyan, ang Amerika at Hapon ay parehong itinuturing na mahahalagang kaalyado ng Pilipinas, hindi lamang sa usaping seguridad kundi pati na rin sa kalakalan.
Ang proyekto ay nabuo sa inisyatiba ni Mayor Sanidad, sa tulong ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna nina Gobernador Jerry Singson, Bise Gobernador Ryan Singson, at SP Member Gina Cordero na mga namuno sa Committee on Tourism ng Sangguniang Panlalawigan.
Kaugnay nito, inaasahang magiging isa ang monumento sa mga pangunahing atraksyon sa turismo ng Narvacan, dahil ito’y matatagpuan sa sangandaan at tagpuan ng mga mamamayan mula sa Timog-Kanlurang Luzon at Rehiyon ng Cordillera. Ang Narvacan ay kilala bilang “Gateway to the Cordillera.”
Source: Municipal Government of Narvacan, Ilocos Sur




