Pormal na kinilala bilang mga Learning Site for Agriculture (LSA) ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 1 (ATI-RTC 1) ang Bayambang Dairy Farm at Managos Farmers Agriculture Cooperative.
Ginanap ang awarding ceremony nitong Mayo 21 sa Kasama Kita Sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI) Dairy Farm sa Sitio Cayago, Barangay Mangayao, at sa Barangay Managos.


Sa naturang seremonya, personal na tinanggap nina Dr. Romyl Junio at Samuel Lomboy ng KKSBFI, at Mr. Juan Paulo Ellorin ng Managos Farmers Agriculture Cooperative, ang kani-kanilang mga sertipiko para sa Learning Site for Agriculture.
Dumalo sa makasaysayang okasyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lokal ng Bayambang, kabilang si Dr. Rafael L. Saygo na tumayong kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, at si Municipal Cooperative Development Officer Albert Lapurga.
Nagbigay din ng mensahe si Mark Espino bilang kinatawan ng Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kooperatiba at mga institusyon sa pagpapalaganap ng kaalaman sa agrikultura, lalo na sa mga kabataan at lokal na magsasaka.
Layunin ng programang Learning Site for Agriculture ng ATI na magbigay ng inspirasyon sa mga komunidad ukol sa makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka.
Source: Balon Bayambang




