Nakumpiska ng mga awtoridad ang abandonadong narra lumbers na nagkakahalaga ng tinatayang P520,165.00 sa Sitio Darulog, Barangay Dupligan, Tanudan, Kalinga nito lamang ika-17 ng Marso 2025.
Batay sa ulat, agad na pinuntahan ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)- Kalinga at Tanudan Municipal Police Station pagkatapos makatanggap ng ulat mula sa isang mamamayan.
Isinagawa ng DENR-Kalinga ang pag-imbentaryo sa mismong lugar at naitala ang 23 na piraso ng ginawang tabla mula sa kahoy ng Narra na may iba’t ibang sukat na may kabuuang 1,040.33 board feet na tinatayang may halagang P520,165.00.
Ang matagumpay na operasyong ito ay bunga ng patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na pagputol ng kahoy, gayundin ng aktibong pakikilahok at suporta ng komunidad sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga iligal na gawain.
Pinapaalalahanan din ng PNP ang publiko na huwag makilahok sa iligal na pagtotroso, sapagkat ang sinumang mahuhuli ay haharap sa kaukulang kaso at parusa alinsunod sa batas na nakasaad sa Republic Act No. 3701.
Ang pagtutulungan ng mga miyembro ng komunidad at mga lokal na awtoridad ay naglalarawan ng kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at proaktibong pakikilahok sa pangangalaga ng mga likas na yaman ng Kalinga para sa mga susunod na henerasyon.
