Sumailalim sa summit at serbisyo caravan ang mga dating kasapi ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Nueva Vizcaya na isinagawa sa Carlos M. Padilla Convention Center, Capitol Compound, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ito ay inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng komprehensibong suporta at reintegration services ang mga dating rebelde kung saan tinitiyak ang kanilang maayos na pagbabalik sa lipunan at pagyamanin ang pangmatagalang kapayapaan at pagkakasundo sa lalawigan.

Bahagi ng serbisyo caravan ang libreng gupit para sa mga Former Rebels na hatid ng PNP, information dissemination patungkol sa National Police Commission (NPCS), manpower support mula sa Nueva Vizcaya Provincial Medical and Dental Team (NVPMDT), at pamamahagi ng mga flyers at mga bibliya.
Naging highlight naman ng summit ang eleksyon ng Provincial People’s Organization ng mga dating rebelde, na sinundan ng presentasyon ng mga FR mula sa bawat munisipalidad ng lalawigan.
Pinangunahan ni PCol Jectopher D Haloc, Officer-In-Charge ng Nueva Vizcaya PPO ang oath-taking ceremony para sa mga bagong halal na opisyal ng KAPPIA Nueva Vizcaya.
Binigyang-diin sa aktibidad ang pangako ng lalawigan sa paglilingkod at pagprotekta sa mga mamamayan nito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagprotekta sa buhay, kalayaan, at ari-arian, at pagtataguyod ng kapakanan ng bawat Novo Vizcayano.
Source: 5th Infantry Division Philippine Army