Patuloy ang programang “Kapitolyo sa Barangay” na hatid ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa Barangay Sapang Kawayan, Masantol, Pampanga nito lamang Sabado, ika-8 ng Marso 2025.
Sa pangunguna ni Gov. Dennis “Delta” Pineda, kasama sina Cong. Anna York Bondoc, Masantol Mayor Tonton Bustos, Vice Mayor Dan Guintu, Special Assistant to the Governor Angelina Blanco, at PSWD Officer Fe Manarang, layunin ng programa na direktang ihatid sa mga barangay ang iba’t ibang serbisyo at tulong mula sa Kapitolyo.
Naghatid ng ayuda at libreng medikal sa 1,432 na dumalo sa nasabing programa.

Isa sa mga ipinagmalaking proyekto ng gobernador ay ang floating diagnostics, na iikot sa mga bayan ng ikalawa at ikaapat na distrito ng Pampanga upang magbigay nitong serbisyong medikal.
Bukod dito, ang mga residente ay tumanggap din ng cash assistance at food packs na personal na iniabot ni Gov. Delta.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente sa natanggap na mga biyaya.
Patuloy ang Kapitolyo sa Barangay sa pag-abot sa mas maraming Pampangeño, patunay ng malasakit ng pamahalaang panlalawigan sa bawat mamamayan.
