Inilunsad sa lungsod ng Tuguegarao ang pagbubukas ng 2024 Summer Sports Clinic sa pangunguna ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que nito lamang Sabado, Hulyo 6, 2024, na ginanap sa People’s Gymnasium ng Tuguegarao City, Cagayan.
Nasa mahigit isang libong kabataan ang lumahok ngayong taon para sa pagbukas ng nasabing programa na pinangasiwaan ng City Sports and Development Unit.
Binigyan-diin naman ni Mayor Maila ang kahalagahan ng pagsasanay at pinayuhan ang mga kalahok na huwag tumigil sa pag-abot ng kanilang pinakamataas na potensyal.
Binanggit din ng Alkalde ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa Philippine Sports Commission at kay Senator Bong Go para sa karagdagang suporta sa mga programa sa palakasan ng Tuguegarao City.
Gayundin ang pagpasa sa konseho ng Tuguegarao City Athletics Association Ordinance, upang makatulong at higit na mapaunlad ang mga talento sa sports ng mga kabataan sa lungsod.
Samantala, ang 20-araw na pagsasanay ay binubuo ng nasa 17 na iba’t ibang klaseng sports na gaganapin sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Layunin ng Taekwondo Sports Clinic na hubugin ang mga batang kalahok hindi lamang sa self defense kundi maipamalas nila ang kanilang potential ng sa gayon ay magagamit nila ito sa mga national contest pagdating ng araw.
Source: Tuguegarao Information Office