Namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng mga panabong na manok sa kabuuang 65 chicken breeders mula sa mga bayan ng Iguig at Tuao nitong Hunyo 29, 2025. Tumanggap ng 40 benepisyaryo ang Iguig, habang 25 naman ang mula sa Tuao. Bawat benepisyaryo ay binigyan ng dalawang inahing breeder at isang barakong manok, kasama ang mga electrolytes para sa kalusugan ng mga ito.
Pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pamamahagi ng mga manok na bahagi ng programang pangkabuhayan ng lalawigan. Ayon sa kanya, ang mga manok ay hindi para sa sugal kundi para sa pagnenegosyo at pangmatagalang kita ng mga benepisyaryo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang pag-aalaga upang maparami ang manok at maibahagi rin sa iba pang mga breeder sa susunod na taon.

Katuwang sa proyektong ito ang Belman Laboratories, na nagkaloob ng mga bitamina para sa mga manok at magsasagawa rin ng libreng pagsasanay ngayong Hulyo ukol sa tamang pagpapalaki at pagpaparami ng panabong na manok.
Layunin ng programang ito na mabigyan ng matatag at pangmatagalang kabuhayan ang mga chicken breeder sa Cagayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang kakayahang magparami at magnegosyo gamit ang de-kalidad na lahi ng manok.
Source : Cagayan Provincial Information Office




