Patuloy na ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang Oplan Biyaheng Ligtas: UNDAS 2025 kasabay ng pagdagsa ng mga biyaherong nagbabalik sa kanilang mga trabaho at tahanan matapos ang mahabang weekend ng Undas. Ang nasabing operasyon ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga motorista at mananakay, sa pangunguna ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez at LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.

Pinamumunuan ni Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez, katuwang si Assistant Regional Director Engr. Eric C. Suriben, ang pinaigting na pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas trapiko sa mga pangunahing kalsada, terminal, at iba pang estratehikong lugar sa buong Region 1.
Nanatiling nakaalerto ang mga tauhan ng LTO upang magbigay ng tulong, gabay, at katiyakan na ligtas na makauwi at makabalik sa trabaho ang mga pasahero at motorista. Binigyang-diin ni RD Martinez ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagmamaneho, regular na pagsusuri ng mga sasakyan bago bumiyahe, at mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin sa kalsada.

Kasabay ng masusing pagpapatupad ng mga batas trapiko, nakatuon din ang LTO Region 1 sa pagbibigay ng tulong publiko at pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan. Sa patuloy na implementasyon ng Oplan Biyaheng Ligtas, pinatutunayan ng LTO Region 1 ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng ligtas, maayos, at disiplinadong paglalakbay para sa lahat, lalo na sa panahon ng matinding biyahe gaya ng pagbabalik mula sa Undas.
Source: LTO Region 1 Drive Better to Enjoy Safe Travel




