Nagpamalas ng kanyang kagandahang-loob ang isang magsasaka mula sa Paracelis sa pamamagitan ng donasyon ng daan-daang kilo ng mga hindi nabentang saging sa Bontoc Local Government Unit (LGU) nito lamang ika-7 ng Agosto 2025.
Si Ginoong Arvi Steve Baguingan, ay isang magsasaka mula sa Barangay Bananao, Paracelis, Mt. Province na na-scam ng isang buyer mula sa Candon City nang hindi na ito makontak pagkatapos ihatid ni G. Baguingan ang 2,000kgs na mga saging sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, sinubukan nitong ibenta ang mga saging sa Candon, Cervantes, Tadian, at hanggang sa Bontoc at sa tulong ng mga kapwa magsasaka, nakayanan niyang magbenta ng kabuuang 1,600 kilograms sa pinakamababang posibleng presyo.
Sa halip na ibalik ang mga natitirang stock sa Paracelis, naisip niyang sa nakabubuti kung ito ay kanyang i-donate sa Bontoc LGU bilang tulong sa mga Senior Citizens at PWDs sa tulong ni Ginang Leticia Dacawe.
Ang Pamahalaang Bayan ng Bontoc ay nagpapahayag ng taos-pusong pasasalamat kay G. Baguingan, para sa kanyang walang pag-iimbot na pagkakaloob sa kabila ng kanyang personal na pagkawala.
Ang kanyang kwento ay isang patunay ng katatagan at malasakit ng mga magsasaka sa Cordillera.






