Hatid ng lokal na pamahalaan ang “Hatid Saya Outreach Program” na naghandog ng iba’t ibang libreng serbisyo para sa mga residente nito lamang Miyerkules, ika-24 ng Setyembre 2025.
Pinangunahan ang aktibidad nina Mayor Josel “James” Violago, Vice Mayor Vanj Manugue, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod kasama si dating Rep. Mikki Violago ng Ikalawang Distrito ng Nueva Ecija, upang personal na makipag-ugnayan at kumustahin ang mga mamamayan.
Layunin ng “Hatid Saya Outreach Program” na mailapit sa mamamayan ang serbisyong panlipunan at pangkalusugan nang hindi na kailangan pang bumiyahe ng malayo.


Tampok dito ang libreng konsultasyong medikal, pamamahagi ng gamot, at iba pang serbisyo mula sa pamahalaan.
Ayon kay Mayor Violago, ang programa ay patunay ng malasakit ng lokal na pamahalaan upang matiyak na direktang nakikinabang ang bawat barangay sa mga proyektong pangkomunidad.
Inaasahan na magtutuloy-tuloy ang “Hatid Saya Outreach Program” sa iba pang barangay sa mga darating na araw, bilang patunay ng mas pinaigting na serbisyo publiko at pagtutok sa kapakanan ng bawat San Josenio.




