Tinanghal bilang bagong International Boxing Federation Champion o IBF-Pan-Pacific super bantamweight ang Cordilleran boxer na si “Wonder Boy” Carl James Martin matapos niyang talunin si Kromgeich Nantapech ng Thailand sa kanilang boxing match na ginanap sa Cordillera Career Development College nito lamang ika-17 ng Disyembre taong kasalukuyan.
Nanalo si Martin sa pamamagitan ng knock out sa ikalawang round kung saan nakuha niya ang kanyang ikalawang belt bilang bagong kampeon ng IBF-Pan-Pacific super bantamweight.
Mananatili pa rin na undefeated si Martin na may boxing professional records na 21 wins – 0 losses at 17 knockouts.
Samantala, si Nantapech naman ay may record na 31 wins, 7 losses at 22 knockouts.
Inaasahan naman ni Wonder Boy ang kanyang muling laban sa susunod na taon.