Nanumpa na sa tungkulin si Talavera Municipal Councilor Aries Gaboy Lim sa Barangay Sibul, Talavera, Nueva Ecija noong Hunyo 28, 2022.
Bago sa pulitika, subalit naging primera o number one kahit pa independent candidate.
Sa mensahe, sinabi niyang ipagpapatuloy ang kanyang programa para sa kapwa kabataan, senior citizens at kalusugan ng mga ito.
Kwento niya, hindi biro ang hirap ng kampanya, sumuong umano sila sa init ng araw at malamig na patak ng ulan.
Nasuyod umano niya ang 53 barangay upang marinig at makita ang kalagayan ng mga nangangailangan at sila ay matulungan.
Ipinadama aniya ng mga kababayan ang kanilang suporta sa kanyang adhikaing maglingkod.
Layunin niyang tulungang umangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga taga-Talavera.
Sa nasabing okasyon, pinasalamatan ni Lim ang kanyang pamilya at campaign staffs sa suporta.