22.7 C
Baguio City
Wednesday, October 21, 2026
spot_img

Apat na babaeng naaresto sa ‘sanla-tira’ modus, posibleng madagdagan pa ang kasong kakaharapin

Maaari pang madagdagan ang mga kasong kakaharapin ng apat na babaeng naaresto sa isang entrapment operation kahapon sa Springhills, Loakan-Apugan, Baguio City, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa estafa gamit ang modus na “sanla-tira.”

Sa eksklusibong panayang ng Bombo Radyo kay Police Major Ariel Langaoan, station commander ng BCPO Police Station 4, nasa 15 indibidwal ang nagtungo sa kanilang himpilan upang kumpirmahin ang kanilang pagkaka-biktima matapos maiulat ang insidente sa Bombo Radyo Baguio.

Sinabi ni Langaoan na naihain na ang kaso laban sa apat na suspek at hinihintay na lamang ang kaukulang resolusyon.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang pulisya sa iba pang mga himpilan, kabilang ang mga nasa labas ng Baguio City, upang matukoy kung sino pa ang maaaring naging biktima ng mga suspek.Basahin ang Guide

Ayon kay Langaoan, unang lumapit sa kanila ang isang nagrereklamo noong Oktubre 18 matapos matuklasang hindi pala pag-aari ng mga suspek ang isang dalawang-palapag na gusaling kasalukuyang itinatayo.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang transaksyon ng nagrereklamo sa mga suspek noong Setyembre.

Nang matuklasan ng nagrereklamo na hindi ang mga suspek ang tunay na may-ari ng nasabing gusali, agad siyang nagtungo sa Police Station 4 noong Oktubre 18, na nagresulta sa mabilis na pagkilos ng mga awtoridad.

Nakipag-ugnayan din ang mga pulis sa tunay na may-ari ng ari-arian, na tumulong sa operasyon upang mahuli sa akto ang mga suspek.

Samantala, sinabi ni Langaoan na gumagamit din umano ang mga suspek ng iba’t ibang pangalan sa mga identification card na kanilang dala. Batay rin sa paunang impormasyon, lumilitaw na magkakasama ang mga ito sa pagsasagawa ng kanilang mga gawain.

Ang mga suspek ay may edad na 36, 37, 42, at 64. Dalawa sa kanila ay mula sa Pangasinan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Baguio City. Ang isa naman ay tubong Mountain Province ngunit naninirahan sa Itogon, habang ang isa pa ay mula sa Mankayan at naninirahan din sa Itogon, Benguet.

Samantala, ang iba pang indibidwal na lumutang bilang mga posibleng biktima ng grupo ay nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Baguio-Benguet area.

Nagbabala naman si Langaoan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa iba’t ibang uri ng panloloko, lalo na sa social media. Pinayuhan din niya ang publiko na tiyaking beripikado ang impormasyon tungkol sa mga taong kanilang ka-transaksyon at agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad o problema.

Nagpasalamat din ang opisyal sa mga opisyal ng barangay sa kanilang pakikiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lugar na nasasakupan ng himpilan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy kung may iba pang biktima at kung maaari pang madagdagan ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek.

Source: Bombo Radyo Baguio

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
25,900FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles