Umabot sa Php2.2 milyon ang kabuuang halagang naipamahaging tulong ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) sa 248 benepisyaryo, na kinabibilangan ng 59 estudyante at 189 graduate students mula sa Binalatongan Community College sa San Carlos City, Pangasinan.
Ang naturang ayuda ay ipinagkaloob noong Agosto 22, 2025 sa ilalim ng programang Kapit-Bisig laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) Cash-for-Work Program (CFW). Tumanggap ang mga benepisyaryo ng kanilang payout para sa buwan ng Hulyo.

Sa ilalim ng KALAHI-CIDSS CFW, tumatanggap ang mga kalahok ng sahod batay sa itinakdang regional daily wage rate bilang kapalit ng kanilang community work. Maaari silang kumita ng hanggang Php11,700.00 para sa 25 araw na trabaho.
Patuloy na isinusulong ng DSWD FO 1 ang mga programang nakatuon sa pagbibigay ng kabuhayan at suporta sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan, upang mapalakas ang kanilang kakayahan at maisulong ang pag-unlad ng komunidad.




