Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Carina na nanalasa noong nakaraang taon sa mga munisipalidad ng Abucay, Bataan, Arayat at Candaba, Pampanga nito lamang ika-24 ng Hunyo 2025.
Aabot sa ₱5,625 ang matatanggap ng bawat benepisyaryo, na maaaring gamitin para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, inuming tubig, gamot, at iba pang gastusing pang-araw-araw.
Sa unang araw pa lamang ng payout, tinatayang mahigit 11,000 pamilya ang makikinabang sa ayuda.
Tiniyak ng mga tauhan ng Provincial at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) at ng Philippine National Police (PNP) ang maayos at ligtas na distribusyon ng ayuda sa mga payout sites. Mahigpit ang pagpapatupad ng seguridad upang matiyak ang kaayusan at kapakanan ng mga benepisyaryo.
Ayon sa DSWD, ang programang ECT ay bahagi ng kanilang patuloy na pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad.
Layunin nitong makapaghatid ng agarang tulong-pinansyal habang unti-unting bumabangon ang mga apektadong komunidad tungo sa mas ligtas at matatag na pamumuhay.






