Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya para sa edukasyon, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles ng mga kagamitang pampaaralan para sa mga mag-aaral ng day care sa Bagong Bayan Day Care Center nito lamang Lunes, ika-23 ng Hunyo 2025.
Pinangunahan ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ang pamamahagi, kaagapay ang mga kawani mula sa Angeles City Economic Development and Investment Promotions Office sa pangunguna ni Irish Bonus-Llego, gayundin ang mga miyembro ng City Nutrition Office.
Tumanggap ang bawat day care student ng isang backpack na may kasamang kumpletong school supplies tulad ng mga aklat, krayola, coloring pad, notebook, ballpen, at uniporme, kabilang na ang sapatos at medyas — isang patunay sa malasakit ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng kabataang Angeleño.
Kasunod ng inisyal na pamamahagi, magpapatuloy ang programa sa iba’t ibang day care centers sa lungsod alinsunod sa itinakdang iskedyul.
Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na layunin ng pamahalaang lungsod na matiyak na may pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon ang lahat ng bata, anuman ang estado sa buhay.




