Siniguro ng Provincial Health Office (PHO) ang kahandaan sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa ginanap na 2025 Cagayan Provincial Athletic Association (CPAA) Meet sa bayan ng Allacapan, Cagayan noong ika-25 ng Enero 2025.
Layunin ng PHO na masusing imonitor ang kondisyon ng kalusugan at kaligtasan ng bawa’t atleta, coach, at delegado habang isinasagawa ang palaro.
Ayon kay Dr. Nicasio Galano Jr, PHO/District Hospital Head Medical Team, ilan lamang sa mga nirespondehan sa nasabing palaro ang heat cramps, over exhaustion, sprains, muscle strains, mga nasugatan at iba pa na karaniwang dulot ng pisikal na aktibidad ng mga atleta dahil sa pagsabak sa iba’t ibang laro.
Ayon pa kay Dr. Galano, bilang bahagi ng kanilang serbisyo, nagtalaga ang pamunuan ng PHO ng medical team sa mga combative sport tulad ng Taekwondo, Gymnastics, Wrestling, Boxing, at Wushu.
“Ang buong pwersa ng Health and Emergency Responders ay itinalaga kami ng PHO sa pangunguna ni Dr. Rebecca Battung para masigurado yung kalusugan at mapunan yung pangangailangan ng mga atleta, syempre ito ay batay na rin sa kagustuhan ng ating Governor Manuel Mamba na maibalik yung kampeonato sa probinsiya sa darating na CAVRAA,” pahayag ni Dr. Galano.
Samantala, tiniyak naman ng PHO na patuloy nilang pinapalakas ang monitoring at mga preventive measures upang maiwasan ang paglala ng mga health-related concern sa mga kalahok at mananatiling nakatutok hanggang sa matapos ang naturang palaro.
Katuwang naman ng PHO sa pagtutok sa kalusugan ng mga nakatalagang personnel mula sa mga district hospital at iba pang health units upang agarang makapagbigay ng tulong at suporta sa mga emergency cases.
Source: Cagayan Provincial Information Office