Mahigit 200 pet owners ang lumahok sa isinagawang Veterinary Medical Mission ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO) katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng LGU Mangaldan, na ginanap sa Barangay Bantayan noong Oktubre 26, 2025.
Layunin ng aktibidad na suportahan ang kampanya ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno tungo sa pagkakaroon ng rabies-free Mangaldan, sa pamamagitan ng libreng serbisyong pang-beterinaryo para sa mga alagang hayop ng mga residente.

Kabilang sa mga serbisyong ibinahagi ay castration at spaying operations, anti-rabies vaccination, at pamamahagi ng deworming at vitamin supplements para sa 355 aso at pusa. Upang mapanatili ang kaayusan, pinahintulutan ang bawat pet owner na magdala ng hanggang tatlong alagang hayop.

Ayon kay Mayor Bona, ang pakikiisa ng mamamayan sa ganitong mga programa ay mahalaga upang mapangalagaan hindi lamang ang mga alaga kundi pati na rin ang kalusugan at kaligtasan ng komunidad.
Nagpamalas din ng suporta ang Willow Hypoallergenic Dog and Cat Food at Rural Veterinary Clinic, habang nagbahagi ng mainit na lugaw sa mga dumalo ang Guicosina Meals on Wheels katuwang ang tanggapan ni Vice Mayor Atty. Fernando Juan A. Cabrera.




