Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pang indibidwal matapos magbanggaan ang isang motorsiklo at isang pick-up truck sa kahabaan ng National Road sa Barangay Puguis, La Trinidad, Benguet nito lamang hating gabi ng Setyembre 28, 2025.
Ayon sa ulat ng Pulisya, nangyari ang aksidente bandang 11:30 ng gabi sa harap ng Farmers Center at naiulat sa mga awtoridad mga isang oras matapos ang insidente.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na ang pick-up na bumibiyahe mula Pico patungong Wangal, ay diumano’y lumiko sa kabilang linya at bumangga sa motorsiklo.
Samantala, idineklarang dead-on-arrival naman sa Benguet General Hospital ang drayber ng motorsiklo na isang 25-anyos na construction worker na residente ng Puguis, habang ang kanyang angkas ay isang 21-anyos na lalaki rin na nakatira sa Puguis, ay sugatan at dinala sa Baguio General Hospital para sa karagdagang paggamot.
Ang drayber ng pick-up, isang 39-anyos na lalaki na residente ng La Trinidad,Benguet.
Muli ay nagpaalala naman ang PNP na mag-ingat sa pagmamaneho, siguraduhing sumunod sa batas trapiko at nasa tamang kondisyon ang sasakyan maging ang drayber upang maiwasan ang kaparehong insidente.




