Isang masigla at makabuluhang aktibidad ang isinagawa sa Bayan ng Lidlidda, Ilocos Sur sa pamamagitan ng programang “Zumbasurero”, na layuning isulong ang kalinisan at pangangalaga sa kalikasan. Oktubre 30, 2025, ginanap ang aktibidad na ito na puno ng sayawan, galaw, at pagtutulungan para sa kapaligiran.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Municipal Local Government Operations Officers (MLGOO) mula sa 12 upland municipalities ng Ilocos Sur, sa pangunguna ng MLGOO ng Lidlidda, katuwang ang PPSK President Marwin Abalos, Local Youth Development Officer Roggy Jones Diwag, at mga kabataang miyembro ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan.

Nakiisa rin sa naturang gawain ang Bureau of Fire Protection, Municipal Police Station, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Lidlidda, na sabay-sabay na sumayaw, naglinis, at nagbigay inspirasyon sa publiko tungo sa mas malinis na komunidad.
Ang Zumbasurero ay naglalayong ipakita na ang pag-eehersisyo at pangangalaga sa kalikasan ay maaaring pagsamahin upang magdulot ng kalusugan at kaayusan sa lipunan.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, muling naipamalas ng mga mamamayan ng Lidlidda ang diwa ng pagkakaisa, disiplina, at malasakit sa kapaligiran, mga haliging nagpapatibay sa adhikain ng Bagong Pilipinas tungo sa mas maunlad at malinis na bayan.




