Matagumpay na isinagawa ang programang “Sugod sa Barangay” na may temang “Nagkaka-isang Cagayan para sa Kalusugan at Kaligtasan” sa Barangay Centro 3, Lasam, Cagayan nito lamang ika-3 ng Oktubre 2025.
Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) Cagayan ang nasabing aktibidad katuwang ang lokal na pamahalaan, mga barangay health workers, at mga kawani mula sa iba’t ibang ospital at health offices ng lalawigan ng Cagayan. Dumalo rin sa aktibidad sina Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, Mayor Dante Dexter Agatep, at iba pang opisyal ng bayan at barangay bilang suporta sa programa.

Umabot sa mahigit 800 benepisyaryo mula sa naturang bayan. Ilan sa mga serbisyong ibinahagi ay ang libreng konsultasyon, check-up, dental services, pamimigay ng gamot, at feeding program para sa mga bata sa pamamagitan ng Meals on Wheels.
Layunin ng programang ito na maihatid ang mga pangunahing serbisyong medikal at makapag-abot ng iba pang tulong sa mga mamamayang nasa malalayong lugar.
Patuloy ang pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ganitong mga inisyatiba upang maisulong ang mas malusog at mas ligtas na pamumuhay para sa bawat mamamayan ng Cagayan.
Source:CPIO




