Idineklara ang Stable Internal Peace at Security sa isang makasaysayang seremonya sa Mayaen Sports Complex, Bontoc, Mt. Province noong Agosto 29, 2025.
Ang deklarasyong ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng AFP, PNP, DILG, mga lokal na pamahalaan, at mamamayan upang pagtibayin ang kapayapaan at isulong ang pangmatagalang kaunlaran ng lalawigan.
Sa programa, nagbigay ng pambungad na mensahe ang pamahalaang panlalawigan at binasa ang pormal na resolusyon na sumusuporta sa deklarasyon. Ipinahayag ng pamunuan ng kapulisan na malaking pag-asa ang pagkakaisa upang mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.

Binigyang-diin ng militar na ang deklarasyon ay hindi pagtatapos kundi pagbubukas ng panibagong yugto tungo sa mas matatag na komunidad.
Ayon sa kinatawan ng pamahalaang panlalawigan, ang tagumpay na ito ay pinaghirapan sa pamamagitan ng dayalogo, tiwala, respeto, at aktibong pakikilahok ng mamamayan.
Dumalo sa seremonya ang mga opisyal mula sa PNP, AFP, lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at iba pang stakeholders.
Nagtapos ang programa sa pagpapakawala ng mga kalapati at lobo bilang sagisag ng kalayaan, pagkakaisa, at pag-asa para sa patuloy na kapayapaan sa Mountain Province.






