Bilang suporta sa Green Canopy Program ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamumuno ni Gobernador Ramon V. Guico III, pinangunahan ng Provincial Disability Affairs Office (PDAO) ang matagumpay na pagtatanim ng mahigit 200 fruit-bearing tree seedlings sa Barangay Gueset, Bugallon noong Setyembre 30, 2025.
Katuwang sa makabuluhang aktibidad ang mga Persons with Disabilities (PWDs) mula sa iba’t ibang barangay ng Bugallon. Ang kanilang aktibong partisipasyon ay patunay na malaki ang naiaambag ng sektor ng PWDs sa mga inisyatibang pangkalikasan, at mahalagang bahagi sila sa pagsasakatuparan ng pangarap na mas malinis, mas maayos, at mas luntiang Pangasinan.
Ayon sa PDAO, hindi hadlang ang pisikal na limitasyon upang makibahagi sa mga proyektong may kinalaman sa pangangalaga ng kalikasan. Sa halip, ipinakita ng mga PWDs na ang pagkakaisa at malasakit sa kapaligiran ay susi upang makamit ang pangmatagalang pagbabago para sa susunod na henerasyon.
Ang Green Canopy Program ay patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan bilang tugon sa pangangailangan ng mas maraming puno na makakatulong laban sa epekto ng climate change, pagpapalakas ng seguridad sa pagkain, at pagpapanatili ng balanseng ekolohiya sa Pangasinan.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad, kabilang na ang sektor ng mga PWDs, muling napatunayan na ang kaligtasan at kagandahan ng kalikasan ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos para sa kapakanan ng lahat.




