Isang makabuluhang hakbang tungo sa mas matatag at handang komunidad—Ceremonial Turnover at Commitment Setting ng Project LAWA at BINHI o Project LAB—ang isinagawa sa Brgy. Dibibi noong ika-29 ng Hulyo 2025.
Pinangunahan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 02, katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Tatlong barangay sa bayan ng Cabarroguis ,Dibibi, Burgos, at Eden ang napiling project sites bilang bahagi ng inisyatibong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na makaiwas at makaangkop sa mga epekto ng sakuna at pagbabago ng klima.
Ipinahayag ni Sangguniang Panlalawigan Member Martin Bulayo ang buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino sa proyekto, at hinimok ang mga asosasyon na magsumite ng kanilang pangunahing pangangailangan upang matulungan pa sila sa pamamagitan ng posibleng alokasyon ng pondo mula sa konseho.

Nagpasalamat naman si Jensen Pintiano, pangulo ng asosasyon sa Brgy. Dibibi, sa tulong ng kanilang mga barangay opisyal sa pagpapaganda ng kanilang project site. Kabilang sa mga pinasimulang inisyatibo ay ang pagpapatayo ng comfort room, pagbibigay ng plastic mulch para sa Project LAWA, at iba pang kagamitan na bunga ng masigasig na pagtutulungan ng mga benepisyaryo.
Dagdag suporta pa ang inilaan ng Municipal Agriculture Office (MAO) na nanawagang magsumite ng request letter ang mga asosasyon upang makakuha ng libreng binhi. Sakaling tumaas ang ani mula sa mga pananim, posible pang dagdagan ang tulong para sa proyekto.
Bilang bahagi ng patuloy na monitoring at pagpapatatag ng proyekto, nagsagawa ng site evaluation ang DSWD kasama ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Nangako rin ang OPAG na maglalaan ng karagdagang Red Tilapia fingerlings para sa tatlong project sites bilang alternatibong kabuhayan at atraksyon. Nakatakda rin ang pagsasagawa ng pagsasanay ukol sa seedling propagation sa pakikipagtulungan ng PSWDO.
Ang pagsasakatuparan ng Project LAB ay patunay ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor at ahensya.
Source: DSWD REGION II




